Si Jose Rizal noong binata pa |
Si Dr. José Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda (Hunyo 19, 1861–Disyembre 30, 1896) ay ang pampito sa labing-isang anak ng mag-asawang Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at ng asawa nitong si Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Ipinanganak si José Rizal sa Calamba, Laguna. Sina Saturnina, Paciano, Narcissa, Olimpia, Lucia, Maria, Jose, Concepcion, Josefa, Trinidad at Soledad ang kanyang mga kapatid.
Ang ina ni Rizal ay siyang kaniyang unang guro at nagturo sa kaniya ng abakada noong siya ay tatlong taon pa lamang. Noong siya naman ay tumuntong ng siyam na taon, pinadala siya sa Biñan, Laguna upang mag-aral sa ilalim ng pamamatnubay ni Justiano Aquino Cruz. Ilang buwan ang nakalipas, pinayuhan niya ang magulang ni Rizal na pag-aralin siya sa Maynila.
Ang Ateneo Municipal de Manila ang unang paaralan sa Maynila na kaniyang pinasukan noong ikadalawa ng Enero 1872. Ayon sa isang salin ng Noli me tangere ni Guzman atbp., sa kaniyang pananatili sa paaralang ito, natanggap niya ang lahat ng mga pangunahing medalya at notang sobresaliente sa lahat ng aklat. Sa paaralan ding ito niya natanggap ang kaniyang Batsilyer sa Sining na may notang sobresalyente kalakip ang pinakamataas na karangalan.
Pabalat ng aklat tungkol kay Rizal |
Nang sumunod na taon, siya ay kumuha ng Pilosopiya at Panitikan sa Pamantasan ng Santo Tomas. Sa Ateneo, kasabay niyang kinuha ang agham ng Pagsasaka. Pagkaraan, kinuha niya ang kursong panggagamot sa nasabing Pamantasan (Santo Tomas) pagkatapos mabatid na ang kaniyang ina ay tinubuan ng katarata. Noong Mayo 5, 1882, nang dahil sa hindi na niya matanggap ang tagibang at mapansuring pakikitungo ng mga paring Kastila sa mga katutubong mag-aaral, nagtungo siya sa Espanya. Doo'y pumasok siya sa Universidad Central de Madrid, kung saan, sa ikalawang taon ay natapos niya ang karerang Medisina, bilang "sobresaliente" (napakahusay). Nang sumunod na taon, nakamit niya ang titulo sa Pilosopiya-at-Titik. Naglakbay siya sa Pransya at nagpakadalubhasa sa paggamot ng sakit sa mata sa isang klinika roon. Pagkatapos ay tumungo siya sa Heidelberg, Alemanya, kung saan natamo pa ang isang titulo.
Sa taon din ng kaniyang pagtatapos ng Medisina, siya ay nag-aral ng wikang Ingles, bilang karagdagan sa mga wikang kaniya nang nalalaman gaya ng Pranses. Isang dalubwika si Rizal na nakaaalam ng Arabe, Katalan, Tsino, Inggles, Pranses, Aleman, Griyego, Ebreo, Italyano, Hapon, Latin, Portuges, Ruso, Sanskrit, Espanyol, Tagalog, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas.
Kinalap ni Dennis Lacsam mula sa Internet:http://talambuhay-joserizal.webs.com/